-------------------------------------------------------------------------------
ALAM BA NINYO By PAT STO. TOMAS
--------------------------------------------------------------------------------
Lahat tayo ay Pilipino at dapat lang na iisa ang batas at regulasyon na iiral para sa atin at kasama na rito ang mga alituntunin tungkol sa taxes at customs duties
--------------------------------------------------------------------------------
Padami ng padami ang mga katanungan ng ating mga OFWs na dumarating sa pamamagitan ng e-mail. Katulad ng nasabi ko noon, marami sa mga tanong ay tungkol sa mga specific concerns subalit kung ating titingnan, ang mga kasagutan dito ay makakapagbigay sa atin ng mga mahahalagang kaalaman. Katulad halimbawa nitong mga tanong ng mga papauwing OFWs.
Si Noneiza na nasa Dubai ay nagtatanong kung gaano daw ba katagal ang magpa-renew ng passport. Siya ay papauwi upang magbakasyon subalit maiksi lamang ang kanyang vacation leave. Ang kanyang passport ay mag-e-expire na sa Enero ng susunod ng taon kaya kailangan niya ng ipa-renew ito.
Noneiza, ayon sa Department of Foreign Affairs, ang regular processing para sa passport renewal ay maaring abutin ng 14 days at ang bayad nito ay P500. Subalit mayroon din silang arrangement for RUSH renewal na hindi hihigit sa 7 days ang proseso at ang bayad naman dito ay P750. Kaya ang maipapayo ko sa iyo ay pumunta ka kaagad sa DFA at lakarin ang iyong passport renewal sa pamamagitan ng rush arrangement pagdating mo dito sa Pilipinas.
Si Benjamin na nasa China at nagtuturo sa isang kolehiyo doon ay nagtatanong kung ano ba ang mga karapatan ng isang umuuwing OFW. Siya daw ba at ang kanyang asawa ay exempted sa taxes para doon sa mga ilang gamit na kanilang nabili doon at balak i-uwi dito sa atin. Si Namik naman na nasa UAE at si Robert Peter sa Jeddah ay more specific sa pagtatanong kung ang mga OFWs ba ay may pribelehiyo na mag-uwi ng sasakyan dito sa atin.
Walang special privilege
Oo naman, walang pipigil sa inyo na mag-uwi ng mga mahahalagang bagay o gamit na inyong naipundar habang kayo ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Maliban lamang sa mga bagay na ipinagbabawal ayon sa ating alituntunin at alituntuning pang-international katulad halimbawa ng mga ipinagbabawal na droga o mga bagay na may kaugnayan sa terorismo. Kaya nga lang, ang ano mang bagay o gamit na may halaga na i-uuwi dito sa atin ay maisa-subject to tax lalo na sa kaso ng mga sasakyan. Ang sasakyan ay siguradong i-a-assess ng Bureau of Customs at ang halagang inyong ibabayad bilang Customs duties ay magdedepende sa uri at modelo ng sasakyan.
Hindi naman kailangan ng mga umuuwing OFWs ang mga special privilege dahil sa tayo naman ay walang pagkakaiba sa iba pa nating mga kababayan na bumabalik sa ating bansa matapos ang pangi-ngibang bansa, maging sila man ay turista, mga negosyante, estudyanteng nag-aaral sa ibang bansa o di kaya ay mga dating mamamayan at ngayon ay mayroon ng dual citizenship.
Lahat tayo ay Pilipino at dapat lang na iisa ang batas at regulasyon na iiral para sa atin at kasama na rito ang mga alituntunin tungkol sa taxes at customs duties kung sakaling tayo ay may bitbit na mga mahahalagang bagay pag tayo ay pauwi na sa ating bansa. Kaya nga lagi kong pinapayo doon sa mga nakaka-usap ko na dito na nating bilhin ang mga bagay na nais nating ibigay sa ating mga mahal sa buhay kung ang mga ito naman ay mabibili dito sa atin. Maliban sa mapapalago pa natin kahit kaunti ang pag nenegosyo dito sa atin, tayo rin ay malilibre pa sa pag-iintindi ng ating mga bagahe at sa hirap ng pagbitbit lalo na kung ang mga ito ay hand carried items.
Accident o death benefit
Si Robert Peter ay meron pang ilang katanungan. Nais niyang malaman kung ang isang OFW ba ay entitled sa accident or death benefit sakaling may mangyari sa OFW sa loob ng panahong umiiral ang kanyang work contract. Magkano daw ba itong mga benefits at paano makukuha? Nais din niyang malaman kung paano mag-avail ng loan assistance ang isang OFW at kung gaano ito katagal bago ma-release.
Ayon sa OWWA, ang OFW ay covered ng life insurance sa loob ng panahon ng kanyang pagtatrabaho na nakasaad sa kanyang employment contract. Ito ay nangangahulugan na ang OFW o ang kanyang beneficiaries ay may benepisyong makukuha na nagkakahalaga ng :
P100,000 for natural death;
P200,000 for accidental death;
P 20,000 for burial benefits
P 2,000 to P50,000 for disability/dismemberment benefits; or
P100,000 for total permanent disability.
Meron lamang mga documentary requirements sa dapat isumite ang isang OFW o ang kanyang beneficiary pag nag-file ng claim sa OWWA.
Doon naman sa loan assistance, kailangan meron kayong livelihood project kung saan ito ay maaring gamitin katulad halimbawa ng pagtayo o pag-umpisa ng isang restaurant business, repair shop, meat/fruit processing, piggery o ano mang negosyo na nais ninyong pasukan. Ang loan proceeds ay gagamitin bilang working capital o pambili ng mga ibebentang mga bagay, pambili ng makina o gamit na kailangan sa pagnenegosyo o di kaya ay pampapatayo o pagpapa-ayos ng gusali kung saan itatayo ang negosyo.
Meron ding mga documentary requirements na dapat isumite ang OFW o ang kanyang pamilya na nais mag-avail ng programang ito. Ang pag-release ng loan ay depende sa kakayahan ng OFW na ma-isumite ng buo ang mga loan requirements.
Marahil Robert Peter makakabuti kung iyong mapapa-punta sa OWWA ang iyong asawa o ang sino mang miyembro ng iyong pamilya upang makapag-inquire ng personal sa mga detalye o di kaya ay mapaliwanagan ng husto tungkol sa programang ito. Kung may panahon ka, maari mong ring bisitahin ang website ng OWWA sa http://www.owwa.gov.ph para sa mas detalyeng informasyon sa kanilang mga programa para sa mga OFWs.
Ang kontrata ay kontrata
At si Daud na nasa South Korea ay nagpapaabot ng kanyang concern sa maaring gawin sa kanya ng kanyang recruitment agent pag siya ay magdesisyong huwag ng ipa-extend pa ang kanyang work contract. Ayon kay Daud mahilig daw mag-penalize ang kanyang recruitment agent pag di nasunod ang kanyang kagustuhan, katulad ng pagpa-extend ng work contract kung ito ay naisin ng employer.
Wala siyang problema sa trabaho o sa kanyang employer subalit dahil sa kalungkutan at sa kanyang kagustuhang makapiling na muli ang kanyang mga anak ay ayaw na niyang magpa-extend pa ng kanyang kontrata.
Alam mo Daud, ang kontrata ay kontrata. Pag nakasaad sa kontrata na tapos na ang inyong work contract sa katapusan ng Hulyo, ito ay tapos na. Kahit naisin pa ng iyong employer o agent na i-extend ang kontrata mo ay wala na silang magagagawa pa kung ayaw mo na. Ang mahalaga ay wala kang nilabag sa inyong kasunduan. Kung sakali naman na mangyari nga ang sinasabi mo at gumawa ang recruitment agent mo ng mga bagay na disadvantageous sa iyo, puede mo siyang sampahan na kaso sa POEA at ito ay puedeng maging dahilan ng pagkasuspende o pagkansela ng kanyang lisensya bilang recruitment agency.
Hanggang dito na muna at maraming salamat muli sa inyong pagsubaybay.
Ang e-mail address ni Pat Sto. Tomas ay stotomaspat@gmail.com.
Source: www.abs-cbnnews.com
share on: facebook

0 comments:
Post a Comment